April 22, 2022
Hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga estudyante na nasa Kolehiyo na magparehistro sa National Health Insurance Program bago ang face-to-face classes. Layunin ng PhilHealth na magkaroon ng benepisyo ang mga mag-aaral sakaling sila ay magkasakit o tamaan ng COVID-19.
Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PhilHealth sa mga Higher Education Institutions (HEIs) upang padaliin at pabilisin ang pagkuha ng PhilHealth Identification Number (PIN) ng kanilang mga mag-aaral. Ito ay alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2021-001 ng Commission on Higher Education at Department of Health na nagtatakda ng alituntunin sa muling pagbubukas ng HEIs para sa limitadong face-to-face classes sa panahon ng pandemya.
Para sa mga estudyanteng edad 20 taong gulang pababa, sila ay maaaring magparehistro bilang dependent ng kanilang mga magulang. Kinakailangan lamang magsumite ang magulang ng pinunan na PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at kopya ng birth certificate ng estudyante para maideklarang dependent.
Samantala, ang mga mag-aaral na may edad 21 taong gulang pataas ay kinakailangang magparehistro bilang Direct o Indirect contributor. Ang mga estudyanteng may kakayahang magbayad ng kontribusyon ay mapapabilang sa Direct contributor, habang ang mga pamilyang walang kapasidad na magbayad ay mairerehistro bilang Indirect contributor. Kinakailangan lamang kumuha ng Certificate of Indigency mula sa Local Social Welfare Office sa kanilang lugar at ito ay ilalakip sa pinunang PMRF kasama ang student ID o registration card upang mairehistro sa programa.
Pinaalalahanan din ng PhilHealth ang publiko na ang pagpaparehistro ay libre, at pinag-iingat ang mga magulang at estudyante sa mga online fixer at scammer na nag-aalok ng tulong sa pagpaparehistro.
Tinitiyak ng PhilHealth na ang mga estudyanteng Filipino ay agarang makakagamit ng benepisyo alinsunod sa Universal Health Care Law, hindi lamang para sa benepisyo ng COVID-19 maging sa higit sa 8,000 na medikal at surgical cases na maaaring makuha sa alin mang accredited na pasilidad sa buong bansa.
Comments